EAMC nais gawing COVID-19 hospital

0
12

Nais ng pamahalaan na i-convert ang East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City bilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) hospital.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., may kakayahan kasi ang EAMC na makapagbigay ng 250 isolation at ward beds at karagdagang intensive care unit (ICU) beds.

Bukod dito, plano rin ng pamahalaan na palawakin pa ang Philippine General Hospital (PGH), Lung Center of the Philippines at Quezon Institute sakaling sumirit pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon naman kay COVID-19 testing czar Vince Dizon na sinisilip rin ng pamahalaan ang pagkakaroon ng karagdagang isolation at COVID-19 beds ngayong buwan ng Agosto.

Tiniyak rin ni Dizon na mas magiging agresibo ang testing, tracing at isolation upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.