“Huwag ninyong labanan ang gobyerno!”
Ito ang babala ni Pang. Rodrigo Duterte sa publiko sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at sa mga kaakibat na problemang dala nito gaya na lamang ng kagutuman.
Sa kaniyang pagharap sa publiko, kagabi, mariing ibinabala ng Pangulong Duterte na hindi dapat mag-aklas ang taumbayan laban sa pamahalaan, bagkus ay dapat na matutong maghintay ang publiko.
Aniya, darating naman kasi ang mga relief packs, at iba pang ayudang inilaan ng pamahalaan para sa taumbayan.
Sinabi ng Pangulo na walang puwang ang panggugulo sa ilalim ng kaniyang pamamahala at tiniyak nitong hindi mananalo ang sinumang magtatangkang lumaban sa pamahalaan.
Kahapon lamang, aabot sa 20 residente mula sa Sitio San Roque sa Quezon City ang inaresto ng mga otoridad matapos nitong magtipon-tipon sa barangay hall para manghingi ng relief packs.