Duterte inatasan na ang DOJ na bumuo ng task force para imbestigahan ang mga anomalya sa PhilHealth —Roque

0
15

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Justice (DOJ) na bumuo ng task force para imbestigahan ang mga anomalya sa PhilHealth.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang task force ay pamumunuan ng DOJ kasama ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Office of the Executive Secretary, Office of the Special Assistant to the President at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Aniya, bibigyan ng kapangyarihan ang task force na mag-isyu ng preventive suspensions laban sa sinumang masasangkot sa korapsyon sa PhilHealth.

Nilinaw ni Roque na bagamat umuusad ang imbestigasyon ng senado at kamara kaugnay sa naturang isyu ay wala naman umano kasi itong otorisasyon na makapag suspinde ng mga opisyal.

Dagdag pa ni Roque na ibinatid ng pangulo na kahit wala pang resulta sa ikinakasang imbestigasyon ay maaaring magkaroon ng preventive suspension ang sinumang opisyal nito upang mapangalagaan ang kaban ng PhilHealth.