Duterte hindi ipinag-utos ang pagpapaaresto sa 3 negosyador ng sakaling bumalik sa PH

0
50

Pinawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangamba ng mga negosyador ng komunistang grupo na aarestuhin sila oras na muling tumapak sa Pilipinas.

Ito ay matapos kanselahin nina National Democratic Front of the Philippines (NDFP) chief peace negotiator Fidel Agcaoili, senior adviser Luis Jalandoni at negotiating panel member Coni Ledesma ang kanilang plano na magbalik sa bansa dahil sa usapin ng seguridad.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya ipinag-utos ang pagpapaaresto sa tatlong negosyador ng komunistang grupo sakaling bumalik ang mga ito ng bansa.

Dagdag ng pangulo, hindi siya ang makikipag-usap sa mga NDFP negotiators bagkus ay kanyang irerekomenda ito kina Presidential Peace Adviser Jesus Dureza at chief peace negotiator, Labor Secretary Silvestre Bello III.

“Hindi ko kayo huhulihin mag-usap kayo ni Bello pati ni Dureza, but I will not talk to you. Kung may maganda kayong proposal tatawagin ko si Lorenzana pati si Galvez ok sa ito sa inyo wala tayong talo dito, oh sige. Tawagin ko si Speaker tapos Senate President. Hindi lang ako ang tigas dito eh marami tayo, may kanya-kanyang papel. This is a democracy we share power for the benefit and good of the country.” Pahayag ni Duterte.

Kaugnay nito, hinamon naman ni Pangulong Duterte si CPP Founding chairman Jose Maria Sison na magpresenta ng final draft ng peace talks na kanyang ipaapruba sa militar.

“I talk to Sison give me the final draft and if I like it I’ll pass it to the military and the police, if this is alright with you. Eh pag hindi naman tanggap ng militar at pulis eh coup d’ etat ka naman.” Ani Duterte.