Saturday, May 4, 2024

Drug war ng Administrasyong Duterte ‘failure’ —Robredo

- Advertisement -

Tinawag na palpak o ‘failure’ ni Vice President Leni Robredo ang kampanya kontra ilegal na droga ng pamahalaan.

Ayon kay Robredo, batay sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), isang porsyento lamang ng kabuuang suplay ng illegal drugs ang kanilang nakumpiska sa loob ng tatlong taon.

Failure talaga siya… isipin na lang natin, kung exam ito, ang magiging score ng ating pamahalaan ay 1 over 100,” ani Robredo.

Batay sa opisyal na datos, nasa tatlong tonelada o 3,000 kilo ng shabu ang nauubos ng mga adik sa bansa –sa loob lamang ng isang linggo.

Katumbas aniya ito ng 100,056-kilo ng shabu kada taon.

Pero batay sa report ng PDEA nasa 1,344-kilo lamang ang nakumpiska ng ahensiya noong nakaraang taon.

Dagdag pa ni Robredo, batay naman sa inilabas na report ng Philippine National Police (PNP), nasa P25-billion ang halaga ng tatlong tonelada ng shabu kung saan nasa P1.3-trillion ang kabuuang halaga ng umiikot na shabu sa bansa sa buong taon.

Malinaw na malinaw aniya na patunay ito na hindi epektibo ang ipinatutupad na mga hakbang ng gobyerno upang masawata ang illegal drugs.

Malinaw na malinaw, na ayon mismo sa opisyal na datos, sa kabila ng lahat ng Pilipinong pinatay, at lahat ng perang ginasta, hindi lumampas sa isang porsiyento ang naipit natin sa supply ng shabu at sa perang kinita mula sa droga,” ani Robredo


Robredo pinasalamatan si Duterte sa pagtatalaga sa kanyang bilang co-chair ng ICAD

Pinasalamatan ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtalaga sa kaniya nito bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito ang naging pahayag ni Robredo sa kaniyang ulat sa bayan ngayong Lunes, ika-6 ng Enero.

Ayon kay Robredo, lubos siyang nagpapasalamat sa pangulo, dahil sa loob ng 18 araw na nanungkulan siya bilang co-chair ng ICAD ay namulat siya sa totoong estado ng drug war ng pamahalaan.

Maraming salamat Mr. President sa pagkakataong makatulong bilang co-chair ng ICAD. Walang oras na nasayang sa labing-walong araw na binigay ninyo,” ani Robredo.

Aniya, sa loob ng maiksing panahon na nanilbihan siya sa ICAD ay wala ni isang oras siyang sinayang dahil nais niyang magampanan ng tama ang tungkuling iginawad sa kaniya.

Sinabi ni Robredo na sinuyod niya ang mga maliliit na komunidad, pinulong ang iba’t-ibang ahensiya at kumonsulta sa mga organisasyon upang maintindihan niya ang kasalukuyang kalagayan ng kampanya kontra ilegal na droga ng pamahalaan.

Labing-walong araw lamang akong naglingkod bilang co-chair ng ICAD. Pero sa loob ng maiksing panahon, pinulong ko ang mga ahensiya, dumalaw ako sa mga komunidad, kumunsulta ako sa iba’t ibang mga organisasyon, at sinikap kong intindihin ang kasalukuyang kalagayan ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga,” ani Robredo.

Gayunman, sinabi ni Robredo na bagamat hinahangaan niya ang layunin ng ICAD dahil isa itong ahensiya na nakatutok sa ilegal na droga ay hindi naman aniya maayos na nagagampanan ng komite ang mandato nito dahil hindi naman tinutukan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang totoong kampanya laban sa illegal drugs.

Binuhos ng pamahalaan ang atensyon at badyet sa panghuhuli sa maliliit na nagtutulak sa kanto-kanto. Napabayaan tuloy ang ibang aspeto ng kampanya,” ani Robredo.


Robredo inisa-isa ang kanyang rekomendasyon sa ‘war on drugs’

Inisa-isa ni Vice President Leni Robredo ang kaniyang mga rekomendasyon upang mapagtagumpayan ang ‘war on drugs’.

Una, sinabi ni Robredo na hindi co-chairperson ang kailang ng ICAD, kun’di ang buo at seryosong pagtutok ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ‘war on drugs’.

Sinabi ni Robredo na ang pangunahing mandato ng ICAD ay balangkasin ang iba’t-ibang responsibilad ng lahat ng kasamang departamento sa laban kontra ilegal na droga –ngunit ibinuhos ng pamahalaan ang atensiyon at budget sa panghuhuli ng maliit na tulak ng ilegal na droga.

Dahil dito, sinabi ni Robredo na dapat ilipat na lang sa Dangerous Drugs Board (DDB) ang chairmanship ng ICAD.

nirerekomenda ko na ilipat sa Dangerous Drugs Board ang chairmanship ng ICAD. Ang DDB ang mas may kakayahang magplano ng pangkalahatang mga programa kung saan tutulong ang bawat miyembro ng ICAD. Kung sila ang pinuno ng ICAD, magiging mas balanse ang kampanya at lahat ng aspeto ay matutugunan,” ani Robredo.

Pangalawa, nakita ni Robredo na ang tunay na kailangan ng ICAD ay ang malawak na perspektibo at strategic na pamumuno.

Higit sa lahat, kailangang tutukan ng Presidente ang bawat aspeto ng kampanya. Mas makakabuwelo ang ICAD sa mga tungkulin at rekomendasyon nito kung buo ang suporta ng kanilang bossang Pangulo,” ani Robredo.

Dagdag pa nito, kulang rin ang datos ng pamahalaan hinggil sa pinagmumulan ng illegal drugs at halos lahat ng programa ng pamahalaan ay ibinuhos sa small time users at pusher at tila nakalimutan na ang pinakamahalagang aspeto ng programa –at ito ay ang mga high value targets.

Pero tila nakaligtaan ang isang napakahalagang aspeto ng [problema]—ang pagtugis sa kung saan ba nanggagaling ang bulto ng drogang bumibiktima sa ating mga kabataan at mamamayan. Lagi natin naririnig ang terminong “High Value Target,” ani Robredo.

Sa huli, isa lamang ang hamon ni Robredo sa pangulo –tinawag na giyera ang kampanya kontra ilegal na droga, “be the commander”.

Hindi Co-Chair ang kailangan ng ICAD. Ang kailangan nito ay ang pagtutok ng Pangulo. Tinawag na giyera ang problema sa iligal na droga. Kailangan ang Pangulo ang maging Commander-in-chief nito,” ani Robredo.

- Advertisement -
- Advertisement -

Related Articles

- Advertisement -
- Advertisement -spot_img

Latest Articles

- Advertisement -spot_img