Hindi kinuwestyun ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ibalik sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at ilang karatig na lalawigan simula ngayong araw.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nauunawaan kasi ng Pangulo ang kahalagahan ng pagbabalik operasyon ng mga kalakalan sa bansa gayong bumagsak ng husto ang GDP ng bansa nitong ikalawang bahagi ng taon.
Aniya, kabilang din sa isinaalang-alang ng Pangulo sa pag-sang ayon nito sa naging rekomendasyon ng IATF ang kawalan ng sapat na pondo ng gobyerno para sa panibagong ayuda na ipapamahagi sakaling tumagal pa ang MECQ sa Metro Manila.
Samantala, nakikiusap naman aniya ang Pangulo sa publiko na sumunod sa mga health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan upang maingatan ang mga sarili habang naghahanapbuhay. — ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)