Davao Region isinailalim na sa lockdown

0
66

Bantay sarado muna ang border buong rehiyon ng Davao simula kaninang hating gabi.

Ito mismo ang kinumpirma ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio bilang pagtugon sa tumataas na kaso ng corona virus disease (COVID-19) sa Pilipinas.

Sa isang panayam, sinabi ni Duterte-Carpio na tanging ang mga residente lamang ng Davao ang makakagalaw sa lungsod dahil isasara nila ito sa mga magnanais makapasok sa buong rehiyon ng Davao.

Aniya, tatagal ng 14 na araw ang ipatutupad na lockdown sa Davao Region.

Sinabi ng Alkalde, hindi kasi uubra na ang Davao City lamang ang isara dahil ang Davao City aniya ang sentro kung saan naroon ang mga bangko, at pagamutan.

Paliwanag nito labis kasi na makaaapekto sa mga kalapit na lungsod kung ang Davao City lamang ang ilo-lockdown kaya’t minabuti na lamang na sakupin ang buong Davao Region.

Gayunman, nilinaw naman ni Duterte-Carpio na maari namang bawiin ang 14-day lockdown kung magiging maayos ang pagtugon ng lokal na pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.