DA walang planong magpatupad ng bagong SRP kasunod ng pagbabalik-MECQ ng NCR

0
20

Walang planong magpatupad ng bagong suggested retail price (SRP) ang Department of Agriculture (DA) ngayong ibinalik na ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at iba pang karatig na lalawigan.

Ayon kay Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan, wala silang nakikitang dahilan para magpatupad ng bagong SRP kung kaya’t kanila na lamang paiigtingin ang pag-preposition ng suplay ng pagkain sa Metro Manila.

Aniya, sa ngayon kasi ay marami nang institutional buyers ang kanilang katuwang upang dalhin sa mga barangay ang mga produktong pang-agrikultura.

Iginiit pa ng kalihim na dapat tuloy-tuloy lamang ang pagpasok ng mga produkto patungo sa mga lugar na nakapailalim sa MECQ.

Hinihimok naman ni Cayanan ang mga traders na isumbong sa DA field offices ang sinumang mang-aabuso sa naghahatid ng mga farm products sa panahon ng MECQ.