Nakatakdang baklasin ng Philippine National Police o PNP, Department of Public Works and Highways o DPWH at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang mga illegal campaign posters ng mga kandidato sa darating na Pebrero 28.
Ito ay matapos maglabas ng kautusan ang Comelec o Commission on Elections na dapat tanggalin ang mga posters na wala sa common poster area at sumobra sa itinakdang sukat.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, maituturing pa ring election propaganda ang mga posters na may pagbati sa publiko, kahit na hindi nanghihimok na iboto ang isang partikular na kandidato.
Kaugnay nito, ibinabala rin naman ni Jimenez na sisimulan na rin ng Comelec ang proseso ng pagkakaso sa mga kandidato, na posibleng mauwi sa diskwalipikasyon sa darating na May 13 midterm elections.