Cebu archbishop isinalarawan na ‘out of sync’ ang banat ni Duterte sa All Saints’ Day  

0
45

Out of sync o hindi nagtutugma.

Ganito isinalarawan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang panibagong banat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls Day ng mga Katoliko.

Ayon kay Archbishop Palma, wala sa posisyon ang pangulo para bigyang liwanag ang doktrina ng bibliya batay lamang sa kanyang paniniwala o emosyon.

Tiwala naman si Archbishop Palma na nasa tamang pag-iisip at matibay ang paniniwala ng mga mananampalatayang Katoliko para balewalain ang naging pahayag ni Pangulong Duterte.

Samantala, humiling naman ng dasal sa lahat ng Filipino si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David para kay Pangulong Duterte.

Sinabi ni Bishop David, malinaw na pinamumunuan ang bansa ng isang lider may malalang sakit at kinakailangan na nito at ng bansa ng dasal.

Magugunitang, sa isang press briefing sa Isabela, binanatan ni Pangulong Duterte ang paggunita ng mga katoliko sa All Saints’ Day at All Souls Day kung saan tinawag pa nitong “gago” at “lasenggo” ang mga santo.