CBCP humiling ng dasal para sa mga OFW sa Hong Kong

0
56

Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na mag-alay ng panalangin para sa kaligtasan ng mga OFW na apektado ng tumitinding tensyon sa Hong Kong.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, dapat  mag-alay ng dasal upang mabigyang linaw ang isipan ng mga nagpo-protesta, para sa mapayapang solusyon sa nangyayaring kaguluhan sa Hong Kong.

Kaugnay nito, pinaalalahanan rin ng obispo ang lahat ng mga Pilipino na nasa Hong Kong na palaging isaisip ang kanilang kaligtasan at sumunod sa lahat ng abiso mula sa mga konsulado ng Pilipinas.

Samantala, tinataya namang nasa 200,000 manggagawang Pilipino ang nasa Hong Kong.

Matatandaang naging marahas ang kilos protesta ng libu-libong Hong Kong nationals na tutol sa itinutulak na panukalang batas na Extradition Law.