Cayetano kay Robredo: Ihinto muna ang oplan ‘all talk-hang’ bago ang ‘tokhang’

0
13

Bumuwelta si House Speaker Alan Peter Cayetano laban kay Vice President Leni Robredo.

Ito ay kaugnay ng pahayag ni Robredo kung saan sinabi nito na bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) ay nais niyang ipahinto ang war on drugs campaign ng pamahalaan na oplan tokhang.

Ayon kay Cayetano, ang patuloy na pagbabahagi ni Robredo ng kaniyang mga plano sa publiko ang malinaw na dapat maihinto.

Aniya, mistula kasing mas marami pa ang inilalabas na pahayag ni robredo kumpara sa mga nagawa nito bilang anti-drug czar.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Cayetano na dapat munang mahinto ang oplan ‘all-talk-hang’ ni Robredo bago ihinto ang oplan ‘tokhang’ ng pamahalaan.

Dagdag pa nito, mas marami pa kasi ang oras na humaharap ang pangalawang pangulo sa media kaysa sa oras na ginugugol nito para pagplanuhan kung paano mapag-tatagumpayan ang kampanya kontra iligal na droga.

Gayunman, sinabi naman ni Cayetano na hangad lamang niya na magtagumpay si Robredo sa kampanya kontra iligal na droga.

Parang mas marami pang oras sa harap ng camera si VP Robredo at mas marami pang statement kaysa trabaho…Ang drug war ay para protektahan ang buhay ng ating kababayan,”  —ani House Speaker Alan Peter Cayetano.