Bagyong Samuel nag-landfall na sa ika-anim na pagkakataon sa Roxas, Palawan

0
49

Nag-landfall na sa ika-anim na pagkakataon ang bagyong Samuel sa Roxas, Palawan kaninang ala una ng madaling araw.

Unang tumama sa kalupaan ng Borongan City, Samar ang bagyong Samuel kahapon ng alas dos ng madaling araw, sumunod sa Daram, Samar, ikatlo sa Caibiran, Biliran, ika-apat sa Calubian, Leyte at ika-lima sa Barotac Nuevo, Ilolo.

Batay sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng bagyong Samuel sa mismong bisinidad ng Roxas, Palawan.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kilometro kada oras.

Kumikilos ito sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Dahil dito, asahan na ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa lalawigan ng Palawan kabilang na ang Calamian at Cuyo group islands kung saan nananatiling nakataas ang Signal Number 1.

Inaasahan naman lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Samuel mamayang gabi o bukas ng umaga.