6 Pinoy sa France nasawi dahil sa COVID-19

0
19

Nasawi ang anim na Pilipino sa France matapos na magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Philippine Ambassador to France Maria Theresa Lazaro, 11 ang kabuuang bilang ng mga Pilipino sa nasabing bansa na tinamaan ng COVID-19.

Bagamat nasawi ang anim ay bumubuti naman ang kalagayang pangkalusugan ng lima pang Pinoy COVID-19 patients.

Dagdag pa ni Lazaro, halos magkapareho lang ngayon ang sitwasyon ng Pilipinas at France kung saan ngayon lamang nagsisidatingan ang mga kinakailangan ng mga healthworkers panlaban sa COVID-19 gaya ng PPEs, face masks at iba pang medical supplies.

Samantala, nabatid na ika-lima ang France sa listahan ng mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 na tinatayang nasa 131,300 kaso habang nasa halos 16,000 naman ang nasawi.