26,000 pulis tatao sa mga checkpoint sa Metro Manila —Sinas

0
28

Inatasan na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Debold Sinas ang kanilang Regional Mobile Force Battalion para tauhan ang mga ilalatag nilang checkpoints.

Kasabay na rin ito ng ipatutupad na community quarantine mamayang hatinggabi kung saan, lilimitahan na ang biyahe ng mga papasok at palabas ng Metro Manila.

Ayon kay Sinas, aabot sa 26,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa mga tukoy nang lugar na paglalatagan ng checkpoints.

Gayunman, tumanggi ang NCRPO Chief na isa-isahin ang mga lugar na ito hangga’t walang basbas mula sa national headquarters para gawin iyon.

Sa kabila ng ipatutupad na checkpoints sa mga entry at exit points, tiniyak ni Sinas na hindi pa rin nila pababayaan ang iba pa nilang tungkulin tulad ng paglaban sa krimen at ilegal na droga.