Mga pasahero sa bus terminal sa Metro Manila dagsa pa rin

0
42

Dagsa pa rin ang mga biyahero sa iba’t ibang bus terminal sa Metro Manila ngayong Sabado, ika-14 ng Marso.

Ito’y sa gitna na rin ng ipatutupad na community quarantine sa buong Metro Manila, epektibo mamayang alas-12 ng hatinggabi.

Sa pag-iikot ng DWIZ Patrol sa ilang bus terminal sa EDSA-Cubao, kapansin-pansin na marami pa rin ang mga nag-aabang na pasahero kumpara naman sa mga bumibiyaheng bus.

Habang sa Araneta Center Bus Terminal naman, may ilang kumpaniya ng bus na nagpasyang huwag nang bumiyahe sa takot na maabutan ng pag-iral ng community quarantine.

Batay sa inilabas na guidelines ng Malacañang at ng Inter-Agency Task Force para sa community quarantine, lilimitahan ang paglabas-masok ng mga sasakyan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan nito.

Gayunman, magbibigay ng exemption ang gobyerno hinggil sa paglabas-masok ng mga produkto lalo na ang mga pagkain, gayundin sa mga obrerong nakatira sa mga lalawigan subalit nagtatrabaho sa Maynila.

Pero ayon sa mga awtoridad, kinakailangan pa ring sumailalim sa kaukulang proseso ang mga biyahero tulad ng pagpapakita ng I.D., pagsasailalim sa medical testing at iba pa.