2 pang empleyado ng Kamara nagpositibo sa COVID-19

0
6

Dalawa pang empleyado ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dahil dito, umakyat na sa 28 ang kabuuang bilang ng mga empleyado ng kamara na tinamaan ng sakit.

Ayon kay House Secretary General Jose Luis Montales, ang isang pasyente ay isang lalaki na nakadestino sa human resources management service at huling pumasok noong ika-22 at ika-23 ng Hulyo.

Aniya, sumailalim ito sa COVID-19 testing noong ika-31 ng Hulyo matapos na makaramdam ng sintomas ng virus.

Samantala, isang pasyente naman ay isa ring lalaki mula sa engineering department at nagpositibo sa COVID-19 makaraang sumailalim sa rapid test bilang bahagi ng State of the Nation Address screening protocol.

Tiniyak naman ni Montales na ikinakasa na ngayon ang contact tracing para sa mga nakasalamuha ng dalawang empleyado ng kamara na nagpositibo sa COVID-19.