Itinurn-over na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kani-kanilang magulang ang labindalawang (12) menor de edad na kasama ng grupo ni dating Bayan Muna Party-list Rep. Satur Ocampo nang maaresto sa Talaingod, Davao del Norte.
Matapos ang tatlong oras na hearing sa sala ni Davao del Norte, ipinag-utos ni Regional Trial Court (RTC) Branch 8 Judge Glenn Aquino sa DSWD ang pag-release sa mga menor de edad.
Sa tatlong pahinang kautusan, ikinunsidera ni Judge Aquino ang kapakanan ng mga bata sa pagkatig sa petition for release ng labindalawang estudyante ng Salugpungan Community Learning Center mula sa kustodiya ng DSWD.
Gayunman, ipinunto ng korte na walang otorisasyon ang mga respondent sa pangunguna ni Ocampo na isailalim sa kanilang kustodiya ang mga menor de edad gayong ang mga magulang ang dapat na kumukupkop at nag-aaruga sa kanilang mga anak.