Peter Advincula sumuko na sa PNP

by Powered by DWIZ
0 comment
Peter Advincula sumuko na sa PNP

Sumuko na sa Philippine National Police (PNP) si Peter Advincula o alyas Bikoy ang lalaking nasa serye ng viral video na “Ang Totoong Narco-list” na nag-uugnay sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon ng iligal na droga.

Sa kanyang muling paglantad, may bagong pasabog si alyas Bikoy kung saan sinabi nitong scripted ang   lahat ng kanyang mga naging alegasyon sa mga isinangkot sa naturang video.

Layon aniya ng pagpapalutang ng “Ang Totoong Narco-list” na siraan ang administrasyon upang maiangat ang kandidatura ng mga miyembro ng Otso Diretso.

“Siyam na buwan pinagplanuhan kung paano gumawa ng ingay ngayong darating na halalan. At hindi lang yung sa akin na pagsasalita ang plano para doon maraming nauna kasama yun doon sa script nung grupo para umingay ma-divert yung tao sa talagang totoong nangyayari sa bayan. Ito nga yung pagputok nung kay Bikoy para madiscredit si Senator-elect Bong Go, yung iba pang mga sangkot na pulitiko na wala naman talaga… hindi totoo ‘yun…wala naman katotohanan ‘yun.” Pahayag ni Advincula.

Tahasang itinuro ni Bikoy si Senador Antonio Trillanes IV at iba pang taga Liberal Party (LP) na utak umano sa pagbuo ng mapanirang video.

Ginagawa aniya ang kanilang mga tagong pagpupulong sa De La Salle University (DLSU) at Ateneo De Manila University (ADMU).

“Hindi totoo, walang katotohanan. Pawang orchestrated lamang ng Liberal Party under the handling of Senator Antonio Trillanes,” Dagdag ni Advincula.

Kwento ni Bikoy, pinangakuan siya ng kampo ni Trillanes na babayaran ng P500,000 kung magtatagumpay sila sa planong sirain ang administrasyon.

“Sa isa sa mga pari na direktang nakakakilala kay Sen. Trillanes siya ang nagdala sa akin, a certain Fr. Alejo.” Sabi ni Advincula.

Sinabi ni Bikoy na ramdam na niyang ilalaglag siya ng grupo ni Trillanes matapos na mapakinabangan.

Ngunit maliban dito, iginiit ni Bikoy na nais na  niyang maitama ang kanyang mga pagkakamali at nangangamba na siya para sa kaligtasan ng kanilang pamilya kaya’t siya ay sumuko na.

Nilinaw naman ni Bikoy na walang nagbayad sa kanya para bumaligtad at idawit naman ngayon ang mga taga oposisyon.

“Higit po sa lahat yung konsensya…yung matulog ka sa gabi na wala nang bigat sa isip mo na tahimik na isip mo na naisiwalat mo na yung katotohanan higit pa a pera ‘yun.” Ani Advincula.

with report from Jill Resontoc (Patrol 7)
—–

Related Posts