Sinuri ng Pamahalaang Lungsod ng Zamboanga at ng UP PLANADES ang mga pangunahing lugar sa lungsod noong Huwebes, Setyembre 3, bilang bahagi ng mga pagsisikap na gabayan ang estratehiko at responsableng pagpaplano sa paggamit ng lupa.
Personal na nagmaneho ng bus si Mayor Khymer Olaso sa isinagawang inspeksyon sa mga lugar kasama ang UP PLANADES at ang City Planning and Development Office (CPDO). Kabilang sa mga pinuntahan ang iminumungkahing Cabatangan Government Complex, West Coast Bypass Road, mga lugar sa Sinubong at Patalon, Labuan-Limpapa Road, Zamboanga EcoZone, Talisayan New Highway, mga iminumungkahing lugar para sa industriya at *foreshore* (baybayin), at ang Calarian Golf Course, bukod sa iba pa.
Isinagawa ang pagsusuri sa mga lugar matapos ang presentasyon ng UP PLANADES sa Sangguniang Panlungsod noong Setyembre 2 tungkol sa iba’t ibang prayoridad na proyektong pang-kaunlaran na isasailalim sa pagsusuri at konsiderasyon sa proseso ng pagpaplano ng lungsod.
Magpapatuloy ang inspeksyon upang saklawin ang iba pang iminumungkahing kalsada, mga lugar na nakatakdang paunlarin (*growth areas*), mga *commercial zone*, ang planong pagpapalawak ng lungsod, at ang iminumungkahing lokasyon ng Zamboanga International Airport.
Dumalo rin sa inspeksyon ang mga kinatawan mula sa Office of the City Agriculturist (OCA), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at Office of the City Veterinarian (OCVET), kasama ang iba pang
tanggapan ng lungsod, upang magbigay ng mga input at impormasyong mahalaga sa proseso ng pagsusuri at pagpaplano. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
