Hinimok ni Mayor Khymer Olaso sa mga commuter na manatiliing mapagmatyag matapos arestuhin ng lokal na pulisya ang dalawang miyembro ng “laway-laway”gang na nahuling nambikbiktima ng mga pasahero ng jeep sa Tomas Claudio Street, malapit sa Yang’s Hotel sa Zone 3.
Ang dalawang suspek ay dinakip ng mga operatiba ng pulisya sa isang operasyon at kalaunan ay iprinesinta kay Mayor Olaso sa conference room ng City Hall noong hapon ng Biyernes, Hulyo 24. Sa nasabing pagharap, inamin ng mga suspek na sila ay miyembro ng laway-laway gang at hindi lehitimong residente ng Zamboanga City. Kinilala nila ang kanilang mga sarili bilang mga residente ng Bacolod City at Surigao City.
Batay sa pahayag ng mga suspek, ang modus na “laway-laway” na hango sa salitang “laway o *saliva* ay gumagana sa pamamagitan ng pagdura ng isang miyembro sa isang pasaherong walang kamalay-malay upang ilihis ang atensyon nito. Habang pinupunasan ng biktima ang laway, kukunin naman ng isa pang miyembro ang mga gamit ng biktima bago sila tumakas sa lugar.
Pinalalahanan ni Mayor Olaso ang mga commuter na manatiling alerto at bantayan ang kanilang mga gamit, lalo na habang naghihintay o sumasakay sa mga pampublikong sasakyan at sa iba pang mataong lugar.
Samantala, sinabi ng pulisya na maaaring maharap sa kasong pagnanakaw ang mga suspek kaugnay ng insidente, habang hinihintay ang pagsasampa ng karagdagang reklamo mula sa mga biktima upang lalong mapatibay ang kaso laban sa kanila.
Hinimok din ng alkalde ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang indibidwal o mga aktibidad ng kriminal. Nagbabala rin siya sa mga sangkot sa laway-laway scheme na itigil na ang pambibiktima sa mga tao, at muling tiniyak na patuloy na paiigtingin ng lokal na pamahalaan at ng Zamboanga City Police Office ang mga hakbang upang mapanatiling ligtas at matiwasay ang Zamboanga City. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
