ZAMBOANGA: MAYOR OLASO HINULI ANG HUMIGIT-KUMULANG NA LIMAMPU (50) NA MOTORISTA, KABILANG ANG MGA MENOR DE EDAD SA BARANGAY BOLONG

0
4

Nanawagan si Mayor Khymer Olaso sa mga awtoridad ng Pulisya at Land Transportation Office (LTO) na paigtingin ang kampanya laban sa mga rider ng motorsiklo na nagmamaneho nang walang tamang kagamitan at lisensya, dahil sa mga lantad na paglabag sa batas sa silangan at kanlurang bahagi ng lungsod, pati na rin sa sentrong distrito.

Ginawa ito ng alkalde matapos niyang personal na makita ang maraming lumalabag sa batas sa Barangay Bolong habang inaalalayan niya ang mga kalahok sa EVO Turismo Mindanao Advocacy Tour mula Paseo del Mar patungo sa hangganan ng Licomo sa silangang bahagi ng lungsod. Kinailangan niyang bumaba mula sa opisyal na convoy upang pagsabihan ang mga pasaway na motorista na pinatigil ng kanyang mga security escort. Humigit-Kumulang na 50 motorista, kabilang ang mga menor de edad, ang pinatigil dahil sa pagmamaneho nang walang helmet. Karamihan sa kanila ay natuklasan ding walang dalang lisensya. Isang motorsiklo na minamaneho ng isang menor de edad ang ipinag-utos na i-impound, matapos tangkaing takasan ng drayber at ng kanyang angkas (na ina pala ng bata) ang hudyat na huminto.

Ilan sa mga lumabag, na karamihang residente ng Bolong at mga kalapit na Barangay, ang nagsabing hindi nila nakikitang kailangan ang magsuot ng helmet o magdala ng lisensya dahil saglit lang naman silang lalabas para sa mga simpleng gawain, tulad ng mabilis na pagpunta sa tindahan sa malapit.

Pinagsabihan ni Mayor Olaso ang mga motorista at ipinaliwanag na ang pagsusuot ng tamang helmet, alinsunod sa batas, ay isang hakbang para sa kaligtasan ng drayber at ng angkas. Kalaunan pinayagan silang umalis sa kondisyong mangangako silang susunod sa batas. Isa-isang kinausap at pinangaralan ng alkalde ang mga lumabag tungkol sa kahalagahan ng pagsusuot ng helmet at pagdadala ng lisensya habang nagmamaneho. Sa kabilang banda, binigyan ng gantimpala ng alkalde ang isang pamilyang binubuo ng tatlong miyembro dahil sa pagsunod nila sa batas sa helmet habang dumadaan sa highway ng bolong. Sa ilalim ng Republic Act No. 10054 (Motorcycle Helmet Act) at mga panuntunan ng Land Transportation Office (LTO), ang pagmamaneho nang walang helmet, lisensya, o mga dokumento ng sasakyan ay may kaakibat na mabibigat na parusa.kabilang ang malalaking multa at suspensyon ng lisensya. (Algie Rojas)

Source: City Government of Zamboanga

Leave a Reply