Upang tugunan ang kakulangan sa silid-aralan at lumikha ng mas maayos na kapaligiran sa pag-aaral, pinangunahan ni Mayor Khymer Olaso noong Martes, Hulyo 14, ang turnover ng bagong gusali na may tatlong palapag at 12 silid-aralan sa Labuan Central School.
Nagkakahalaga ng P35.9 million ang proyekyo ng gusaling pampaaralan ay pinondohan ng pamahalaang lungsod at ipinatupad ng isang pribadong kontraktor sa ilalim ng pangangasiwa ng City Engineer’s Office. Binigyang-diin ni Mayor Olaso na ang proyekto ay naisakatuparan sa pamamagitan ng lokal na buwis, at kanyang ipinunto na ang pondo ng bayan ay ginagamit nang wasto upang tugunan ang mga pangangailangan sa imprastraktura ng paaralan. Sa pamamagitan ng estratehikong paglalaan ng pondo at mga proyektong pang-kaunlaran, binigyang-pansin ng Alkalde ang kanyang dedikasyon na maging huwaran sa pamumuno at panatilihin ang transparency sa badyet ng lungsod.
Pinaalalahanan din ng punong ehekutibo ang komunidad ng paaralan na pangalagaan ang pasilidad, na magsisilbing komportableng lugar ng pag-aaral na nakatuon sa ikabubuti ng mga mag-aaral. Bukod dito, muling tiniyak ng Alkalde ang pangako ng kanyang administrasyon na patuloy na magsagawa ng rehabilitasyon sa mga pasilidad sa pag-aaral upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa lungsod.
Kasama ng Alkalde sa seremonya ng turnover sina Vice Mayor Beng Climaco-Salazar, mga Konsehal ng Lungsod na sina Bong Atilano, Atty. Gian Enriquez, Joel Esteban, at Aida Paniorotan; City Engineer Christopher Navarro; mga kinatawan ng Department of Education (DepEd); at mga opisyal ng Labuan Central School. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
