Mas pinalawak ang suporta sa kabuhayan para sa mga benepisyaryo ng Balik Sigla sa Ilog at Lawa (BASiL) Program sa Calabanga, Camarines Sur matapos silang maisama sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE), kasabay ng isinagawang orientation ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region V, sa pamamagitan ng BASiL Program, katuwang ang Provincial Fisheries Office ng Camarines Sur at DOLE.
Kabuuang dalawampu’t lima (25) na miyembro ng Manguiring Farmers and Fisherfolk Association ng Calabanga Camarines Sur ang lalahok sa TUPAD Program mula Hulyo 13, 2026 hanggang Agosto 11, 2026. Ang bawat benepisyaryo ay tatanggap ng ₱13,650.00 bilang tulong-pinansyal, na may kabuuang halagang ₱341,250.00 para sa lahat ng 25 benepisyaryo.
Ang TUPAD Program ay nagbibigay ng pansamantalang kabuhayan habang sinusuportahan ang mga layunin ng BASiL Program sa pamamagitan ng mga gawaing nakatuon sa rehabilitasyon at pangangalaga ng mga ilog at lawa. Layunin ng inisyatibong ito na mapalakas at mapanatili ang kabuhayan ng mga benepisyaryo, kasabay ng pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at aktibong pakikilahok ng komunidad sa pagprotekta at pagpapanumbalik ng ating mga yamang tubig-tabang.
Source: BFAR Bikol
