Visa upon arrival request mula sa mga Chinese tourist galing Wuhan City ipatitigil muna — BI

0
19

Hindi na tinatanggap ng Bureau of Immigration (BI) ang aplikasyon para sa visa upon arrival ng mga turistang Chinese na mula ng Wuhan City.

Ito ay gitna na rin ng pangambang dulot ng novel coronavirus (2019-nCoV) na sinasabing nagmula sa nabanggit na siyudad sa China.

Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, ginamit na batayan sa pagpapatigil muna ng pagbibigay ng visa-upon-arrival sa mga turistang galing Wuhan City, ang pagsuspinde ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa lahat ng direktang flights mula sa nabanggit na lungsod.

Taong 2017 nang ilunsad ng BI ang visa-upon-arrival program para makahikayat ng mas maraming turista at investors mula sa China.

Sa kasalukuyan, mas pinaigting na ng mga awtoridad ang kanilang ipinatutupad na security measures para mapigilan ang posibilidad ng pagpasok ng 2019-nCoV sa Pilipinas.