Villanueva sinigundahan ang pahayag ni Sotto ukol sa pagtawag ng NBI kay Mayor Sotto

0
26

Sinegundahan ni Senator Joey Villanueva ang naging pahayag ni Senate President Vicente Sotto III hinggil kay Pasig City Mayor Vico Sotto.

Ito ay matapos na pagpaliwanagin ng NBI si Mayor Sotto dahil sa umano’y paglabag nito sa ipinatupad na enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon kay Villanueva, hindi ngayon ang panahon para sa kanilang ginawang hakbang lalo’t malinaw naman na isinasang-alang alang lamang ni Mayor Sotto ang kapakanan ng mga residente sa kaniyang nasasakupang lugar.

Aniya, matindi na ang kinahaharap na krisis ng bansa at di na kailangan pa ng pamahalaan ang anumang ‘distraction’ na nakapagpapabigat lamang sa sitwasyon.

Una rito, sinabi ni Sen. Sotto na walang nilabag si Mayor Sotto sa ilalim ng RA 11469 o ang Bayanihan To Heal As One Act lalo na’t hindi naman retroactive ang nasabing batas.

Batay kasi sa pahayag ng NBI, itinuturo nitong basehan sa pagpapaliwanag kay Mayor Sotto ang pagpayag nitong makabiyahe ang mga tricycle sa Pasig.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Francis Pangilinan na walang basehan ang hakbang ng NBI dahil Marso 24 naipasa ang nabanggit na batas gayong Marso 18 naganap ang pagpayag nitong makabiyahe ang mga tricycle sa Pasig, at pinatigil naman ito agad noong Marso 19.