Nagpalabas ng travel advisory ang United Kingdom laban sa pag biyahe ng kanilang mga mamamayan sa ilang bahagi ng Mindanao.
Kasunod ito ng panibagong insidente ng pambobomba sa Cotabato City kung saan dalawa ang namatay habang tatlumpung iba pa ang sugatan.
Batay sa ipinalabas na advisory ng UK, mahigpit na ipinagbabawal ang pagba-biyahe sa western at central Mindanao at Sulu archipelago dahil sa terrorist activity at bakbakan sa pagitan ng militar at rebeldeng grupo.
Pinaiiwas din ang mga british sa katimugang bahagi ng Cebu province kasama ang Dalaguete at Badian dahil sa banta ng terorismo.
Hindi naman kasama dito ang Camiguin, Dinagat at Siargao islands.
Tinukoy din sa inilabas na advisory ang public notice ng US transport security administration noong Disyembre 26 kung saan sinabing kulang ang aviation security sa Ninoy Aquino International Airport.
Binigyang diin ng UK na posibleng umatake ang mga terorista anumang oras at saan man sa bansa.
Kaugnay nito, pinayuhan ang mga Briton na manatiling bigilante sa lahat ng oras at agad na magsumbong sa mga awtoridad sa anumang makikitang kahina-hinala.