UHC law pinaaamyendahan sa Kongreso

0
7

Pinarerebisa sa Kongreso ng Gabriela Women’s Party-list ang Universal Health Care Law.

Ito ay kasunod ng pagreklamo ng maraming overseas Filipino workers (OFWs) kaugnay sa pagtaas ng singil ng PhilHealth.

Ayon kay Gabriela Representative Arlene Brosas, hindi sapat ang naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PhilHealth na suspindihin ang pangongolekta ng dagdag na kontribusyon sa mga OFWs ngayong nasa kasagsagan ng krisis dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Aniya, dapat na amyendahan ang batas upang hindi na madagdagan pa ang problema ng mga OFWs na ngayo’y nawalan din ng trabaho dahil sa pandemya.

Dahil dito, naghain ang grupo ng Gabriela sa Kamara ng House Resolution 827 na naglalayong i-rebisa at amyendahan ang Universah Health Care Law.

Samantala, naniniwala naman si Brosas na ang naturang batas ang ugat ng dagdag singil ng PhilHealth sa mandatory contribution ng mga OFW’s kung kaya’t dapat itong irebisa at baguhin.