Tradisyunal na programa para sa Ninoy Aquino Day inilipat

0
56

Inilipat ng lugar ang tradisyunal na programa para sa paggunita sa araw ng kamatayan ni dating Senador Ninoy Aquino sa tarmac ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Sa halip na sa tarmac, isinagawa ang programa sa monumento ni Ninoy sa harap ng NAIA kung saan nag-alay ng bulaklak ang kanyang supporters sa pangunguna ni dating Senador Heherson Alvarez.

Kada taon ay isinagawa ang programa at pag-aalay ng bulaklak sa tarmac ramp 11 kung saan bumagsak si Ninoy nang barilin ito habang pababa ng eroplano.

Gayunman, hindi ito pinayagan ng NAIA management dahil sa airport traffic na epekto ng pagsadsad ng Xiamen Airlines sa Main Runway.

Sa paggunita ng kamatayan ni Ninoy, pinaalalahanan ni Alvarez ang sambayanan na hindi dapat kinakalimutan ang mga aral ng nakaraan.

“’Yung pag-alala ng iyong nakaraan at kadakilaan ay hindi dapat isantabi meron at merong lugar ‘yan upang magkaroon ng liwanag ang daan ng bayan. Sabi nga ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan, kapag hindi natin tinignan ang kakulangan sa pamamahala, diktadurya, pang-aabuso, pagnanakaw eh hindi matatapos itong paglilinis natin ng bayan at pagtatatag ng matibay na demokrasya.” Pahayag ni Alvarez

Samantala, isang misa naman ang isinagawa sa puntod ni Ninoy sa Manila Memorial Park.

Dinaluhan ito ng dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pang miyembro ng pamilya Aquino, Senador Antonio Trillanes, dating Senador Mar Roxas, Senador Franklin Drilon at iba pang miyembro ng Liberal Party.

—-