Hugas kamay si dating Tourism Secretary Wanda Teo sa kontrobersyal na “Buhay Carinderia” project ng DOT.
Ayon kay Teo, si dating Tourism Promotions Board Chairman Cesar Montano ang nagrekomenda sa kanya ng naturang proyekto para mabigyan ng pondo.
Dagdag ni Teo, hindi niya kilala si Linda Legaspi ng Marylinbert International na gumawa ng konsepto at nagpanukala sa “Buhay Carinderia” project.
Aniya, ipinakilala lamang ni montano sa kanya si Legaspi at magkasama ang dalawa sa paggawa ng proposal sa “Buhay Carinderia” project na pinondohan ng walumpong milyong piso.
Sinabi pa ni Teo, unang ipinagpaliban ang proyekto pero inaprubahan din ng Tourism Promotions Board matapos ma-ipresenta sa ikalawang pagkakataon.
Magugunitang nagbitiw si Montano bilang pinuno ng Tourism Promotions Board matapos suspendihin ang pagpapatupad ng “Buhay Carinderia” project kasunod ng pagpuna ng Commission on Audit sa nasabing programa.