TD ‘Amang’ inaasahang magla-landfall ngayong araw

0
50
(5am Update)

Bahagyang bumilis ang tropical depression Amang habang napanatili ang lakas nito.

Sa huling tala ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 460 km Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 60 km/h.

Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-hilaga hilagang kanluran sa bilis na 15 km/h.

Nakataas na ang tropical cyclone warning signal number 1 sa katimugang bahagi ng Eastern Samar, katimugang bahagi ng Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Eastern Bohol, Northern Cebu, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur Surigao del Norte, Dinagat Islands at Camiguin.

Ayon sa PAGASA, inaasahang tatama sa lupa ang bagyo ngayong araw sa bahagi ng Surigao del Norte mainland-Siargao Islands mamayang hapon o gabi.

Simula ngayong araw, makararanas na ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Caraga, Northern Mindanao, Compostela Valley, Davao Oriental, Eastern Visayas, Central Visayas, Bicol Region, Southern Quezon, Marinduque at Romblon.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na lugar laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.

Inabisuhan na rin ang mga mangingisda sa mga apektadong lugar na huwag munang pumalaot dahil sa masamang panahon.

—-