Suspek sa pagpatay sa isang dalaga sa Cavite na nagtamo ng 22 saksak nahuli na

0
66

Hawak na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa isang dalagang bagong graduate lamang na pinagsasaksak sa loob mismo ng kanyang bahay sa Bacoor City, Cavite.

Ayon kay Cavite Police Chief Senior Superintendent William Segun, kinilala ang suspek na si Andrew Bagawasan, 23-taong gulang, na boluntaryong sumuko sa mga pulis kaninang madaling araw.

Aniya, umamin si Bagawasan na siya ang nanaksak kay Shanmaine Pestaño, 20-taong gulang sa townhouse unit nito noong Martes.

Batay sa imbestigasyon, nakapasok umano si Bagawasan sa unit ni Pestaño matapos niyang lagariin ang grill ng bintana nito.

Habang nagnanakaw ang suspek, sinaksak nito si Pestaño na posibleng nagising habang nagaganap ang krimen.

Nagtamo ng 22 saksak ang dalaga sa iba’t ibang bahagi ng katawan na ikinamatay nito.—AR

(Ulat ni Jill Resontoc)