Sotto may buwelta sa paninisi ni Cayetano sa Senado hinggil sa aberya sa SEA Games

0
10

Dumipensa si Senate President Vicente Sotto III sa akusasyon ni House Speaker Alan Peter Cayetano na dapat ding sisihin ang Senado sa mga nararanasang aberya ngayong 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ito ay kaugnay ng pahayag ni Cayetano at 1Pacman Partylist Representative Mikee Romero na ang mga nararanasang aberya ngayong SEA Games ay bundos ng nabalam na 2019 national budget na kagagawan umano ng Senado.

Ayon kay Sotto, pumayag naman ang Kamara na tapyasan ang pondo ng SEA Games at ilipat ito sa Philippine Sports Commission (PSC) kaya’t hindi aniya tama na ipasa ng Kamara ang sisi sa Senado.

Noong ipinasa yun (2019 national budget), pumayag naman ang House ah? Edi sana sa Bicam sinabi nila na kulang. Binigyan mo ng P6-billion, aba dapat magpasalamat sila ng mabuti sapagkat noong araw hindi kami nabibigyan ng ganoon,” ani Senate President Vicente Sotto III.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kahit pa delayed ang budget ay may pondo dapat para sa karamihan ng imprastrakturang gagamitin sa SEA Games ang organizers.