Sinubukang makatakas pero nahuli rin ang isang lalaki matapos itong magnakaw ng isang selpon sa tindahan ng ukay-ukay sa Market site, San Francisco Iriga City 2:30 ng hapon nitong Marso 1, 2024.
Kinilala ang suspek na si alias Diony, 25-anyos, construction worker at residente ng La Medalla, Baao Camarines Sur.
Sa report ng Iriga City Police Office, nakita umano ng may-ari ng tindahan na pumasok ang suspek sa kanilang tindahan at tinangay ng suspek ang selpon nito. Sumigaw ang may-ari at nakuha nito ang atensyon ng mga tao sa lugar.
Agad namang tumakas ang suspek at itinapon ang kinuhang selpon pero nakorner din ng mga humabol sa kanya.
Nang kapkapan ng mga pulis, nakuhanan pa ang suspek ng isang kalibre .22 na baril at mga bala.
Dinala na sa Iriga City Police Station ang suspek para sa karampatang disposisyon. (Emman Lumapag, photo courtesy by Glenda B, RPN DZKI Iriga)
