Salceda: ‘Complete lockdown’ mas magiging epektibo; community quarantine maraming butas

0
21

Mas makabubuti kung ‘complete lockdown’ ang ipinatupad sa Metro Manila kaysa sa umiiral ngayong community quarantine.

Ito ang naging reaksyon ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda matapos na maging epektibo ngayong Linggo, Marso 15, ang community quarantine bilang tugon ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sinabi ni Salceda, ‘marami kasing butas’ o tila hindi plantsado ang naturang hakbang dahil makalalabas-pasok pa rin naman ang publiko sa Metro Manila.

Aniya nasa tinatayang isang milyon ang bilang ng mga indibidwal na pumapasok at lumalabas sa Metro Manila araw-araw, kung saan posible na isa sa mga ito ang carrier na ng virus.

Giit pa nito, batay aniya sa kaniyang pagtataya ay posibleng sumampa sa 20,000 hanggang 50,000 ang maging kaso ng COVID-19 sa Pilipinas pag sapit ng Mayo.

Matatandaang una nang ipinapanukala ni Salceda ang lockdown sa buong National Capital Region (NCR) upang ma-contain ang virus at hindi na kumalat pa sa ibang panig ng bansa.