Rodel Jayme nagsalita na kaugnay sa viral narco list video

0
49

Ibinunyag ni Rodel Jayme na isang supporter ng Liberal Party ang nag-utos sa kaniya upang gawin ang website na ginamit para ipakalat ang serye ng video na tinaguriang “Ang Totoong Narcolist”.

Ito ang kinumpirma ni Jayme sa isinagawang press conference ng NBI o National Bureau of Investigation.

Ayon kay Jayme, isang alyas “Maru Nguyen” ang nag-utos at nagbayad sa kaniya upang buuin ang website na Metro Balita.

“Sa totoo lang kasi, kaya ko nasabi parang nilaglag ako, dahil kung tutuusin magkaibigan kami. Magkakilala po personal. Bilang kaibigan, ginawa ko yun dahil sa pakiusap. Kung tutuusin, matagal na po dumistansiya sa mga usaping politika. Hindi po armado kumbaga, ang sinasabi po nila, tutulungan nila ako sa financial para makapagtago hanggang matapos ang election kasi ang sinasabi po nila is delikado nga daw po.”

Kaugnay nito, pinabulaanan rin naman ni Jayme na mayroon siyang partisipasyon sa pagkalat ng mga video kung saan iniuugnay ang pamilya at kaalyado ni Pangulong Duterte sa transaksyon ng iligal na droga.

“Yun lang po ang ginagawa ko bilang isang web master. Pag po ang client po namin di po alam, kung ano ang bibilhin na web hosting at domain, ibinibigay lamang po sa amin ang payment para bilhin po yung nasabing web hosting, kasi kami po ang nakakaalam nun. Ngayon po ginawa ko lang yung website. Yun ang lagi ko po sinasabi sa inyo. White pick lamang po ginawa ko walang naganap na pag upload sa website ng mga nasabing video. ”

Bahagi ng tinig ni Rodel Jayme, ang isinasangkot sa pagkalat ng video na nag-uugnay sa pamilya ni Pangulong Duterte sa iligal na droga.