Robredo sa ABS-CBN shutdown: Bakit ngayong may krisis?

0
11

“Bakit ito ginawa ngayon sa panahong humaharap tayo sa matinding krisis? Walang dapat puwang sa panggigipit at pansariling interes sa mga panahon kung kailan dapat nagtutulungan.”

Ito ang naging pahayag ni Vice President Leni Robredo matapos na ipatigil ng National Telecommunications Commision (NTC) ang operasyon ng ABS-CBN.

Ayon sa bise presidente, sa ganitong panahon ng krisis at pangamba sa lipunan, nakasandal ang publiko sa malayang daloy ng tama at napapanahong impormasyon upang mabigyan ng hugis at direksyon ang pagkilos ng bawat Pilipino.

Sa ganitong paraan aniya ay natutukoy ng taumbayan kung sino at nasaan ang mga nangangailangan at nagiging mas mabilis at makabuluhan ang pagtutulungan sa bansa.

Samantala, ikinabigla rin ni Robredo ang tila’y pagpapasara sa ABS-CBN kasunod ng pagpayag ng gobyerno sa muling pagbubukas ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Umaasa naman ang bise presidente na mamumulat ang administrasyon sa panganib na dala ng pagsasara ng ABS-CBN habang patuloy ang krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa COVID-19.