PUV Modernization program magpapatuloy pa rin —DOTr

0
21

Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na tuloy pa rin ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program.

Ito’y sa kabila ng desisyon ng ahensya na huwag munang i-phase out sa susunod na taon ang mga lumang jeep na nasa maayos pa ang kondisyon.

Sinabi ng DOTr na bibigyan na lamang muna ng provisional authority ang mga lumang jeep kapag nakapasa sila sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS).

Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon, hindi na sila maglalabas ng limang (5) taong prangkisa sa mga lumang PUV.

Isasailalim na umano ang mga ito sa MVIS kada taon ang mga PUV para matiyak na ligtas pa rin itong bumyahe sa kalsada.

Kailangan din umanong makapagsumite sila ng petition for consolidation pati na rin ng petisyong nagsasaad na kaisa sila sa modernization program ng pamahalaan.