Pulis na naaktuhan gumagamit ng cocaine sinibak na sa pwesto

0
66

Sinibak na sa pwesto ang pulis na naaktuhan umanong gumagamit ng cocaine habang dumadalo sa isang Halloween party sa isang club sa taguig noong Undas.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, ni-relieve na bilang miyembro ng anti-crime unit ng Raxabago Tondo Police sa Maynila ang pulis na si PO1 Redentor Bautista.

Bukod dito, sibak din sa pwesto ang hepe ng Raxabago Tondo Police Station na si Chief Inspector Manny Israel dahil sa command responsibility matapos nito pirmahan ang leave ni Bautista kahit naka-full alert status ang Philippine National Police (PNP).

Si Bautista ay kasalukuyang nakakulong sa Taguig Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.


NCRPO ipinag-utos mas mahigpit na pagpapatupad ng ‘random drug testing’ sa mga pulis

Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang pagpapatupad ng mas mahigpit na random drug testing sa mga pulis.

Kasunod ito ng pagkakaaresto kay PO1 Redentor Bautista na nahuli sa aktong gumagamit umano ng cocaine habang nasa isang Halloween party sa loob isang club sa Taguig City.

Ayon kay Eleazar, dapat magsilbing wakeup call sa puwersa ng pulisya ang pagkaaaresto kay Bautista.

Inatasan na rin ni Eleazar ang drug enforcement units at counter intelligence units ng NCRPO na palakasin pa ang kanilang mga operasyon para mahuli ang mga drug user at pusher sa kanilang hanay.