Presyo ng branded na tinapay tataas ng dalawang piso

0
58

Asahan na ang mas mataas na presyo ng branded na tinapay sa mga susunod na araw.

Ito ay matapos aprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) kahapon ang hirit na dalawang pisong taas presyo para sa mga branded loaf bread.

Ayon kay DTI Consumer Protection Advocacy Bureau Director Dominic Tolentino, ginawa nila ang hakbang bunsod na rin ng pagtaas sa presyo ng mga sangkap sa paggawa ng mga tinapay tulad ng harina at asukal.

Paglilinaw ni Tolentino, hindi aniya kabilang sa dalawang pisong taas presyo ang pandesal, low cost Pinoy tasty at Pinoy pandesal.

Samantala, ikinagulat naman ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba ang ginawang pag-apruba ng DTI sa pagtataas sa presyo ng branded loaf bread.

Iginiit nito, walang ipinalabas na abiso ang DTI hinggil sa price hike sa tinapay maging ang mga millers tungkol sa pagtaas sa presyo ng wheat nitong nakaraang buwan.

Gayunman binigyang diin ng DTI na hindi nila tinangkang ilihim ang pagpapatupad ng price hike sa tinapay.

—-