PNP pinaalalahanan ang publiko na maging laging responsable sa paggamit ng social media

0
57

Ipinaalala ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko na may mabigat na parusa sa sinumang makakasuhan ng cyber libel lalo na sa mga mahihilig manira gamit ang social media.

Ayon kay PNP-ACG Spokesman S/Insp. Artemio Cinco Jr., tulad ng ordinaryong kaso ng libelo sa mga pahayagan, telebisyon at radyo, pantay ang parusang ipinapataw sa cyber libel salig sa RA 10175 o Anti-Cybercrime Law

Kung sa ordinaryong libel case, anim na buwan hanggang isang taong pagkakabilanggo, sinabi ni Cinco na sa cyber libel, maaaring makulong mula anim hanggang labindalawang taon

Pero mayruon naman itong itinakdang piyansa dito mula P20,000 hanggang P200,000 depende sa bigat ng mga inilatag na ebidensya.

Kaya naman, payo ni Cinco sa mga gumagamit ng social media, gamitin ito ng tama at huwag magbitaw ng mga masasakit na salita o mga pahayag na nakasisira sa iba.

Batay sa tala ng PNP-ACG, aabot na sa halos 3,000 ang naitalang kaso kung saan, nangunguna rito ang cyber libel na may 792 kaso mula Enero hanggang Setyembre ng taong ito

Sinundan naman ito ng online scam, swindling at estafa na may 741 at Pangatlo naman ang anti-photo and voyeurism na 296.

Magugunitang inaresto kahapon ng mga tauhan ng PNP-CIDG at Laguna Police ang dating actress na si Janet Duterte o mas kilala sa pangalan na Keanna Reeves dahil sa kaso nitong cyber libel.

Ito ay matapos umano niyang siraan sa Facebook ang kumuha sa kaniyang serbisyo bilang performer sa isang food park sa Biñan City, Laguna na si Nancy Dimaranan.