PNP chief dismayado sa pagsasalarawan ng ‘Ang Probinsyano’ sa kapulisan

0
43

Dismayado si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde sa patuloy na pagsasalarawan ng teleseryeng ‘Ang Probinsiyano’ sa mga kapulisan bilang masamang tao o miyembro ng sindikato.

Ayon kay Albayalde, hindi nangyayari sa tunay na buhay na ang hepe ng kapulisan ang utak o protektor ng mga sindikatong kriminal.

Dahil dito, sinabi ni Albayalde na nakipagpulong siya kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año upang sulatan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at ang producer ng teleserye.

Idinagdag pa nito na maging ang Opisina ng Presidente ay naapektuhan na dahil masyadong hindi makatotohan ang mga nangyayari sa nasabing teleserye.