PNP at DepEd sanib-puwersa sa kampanya kontra ‘bullying’

0
58

Magkatuwang na paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) at Department of Education (DepEd) ang anti-bullying campaign sa mga paaralan kasabay ng class-opening bukas, araw ng Lunes, Hunyo 3.

Siniguro ng DepEd na hindi nila ipinagsasawalang bahala ang mga insidente ng bullying na nangyayari maging sa mga pribadong eskwelahan.

Pinalalahanan naman ng kagawaran ang lahat ng pampublikong paaralan na bumuo ng mga Child Protection committee upang agad na maaksyunan ang mga kaso ng bullying, habang sa mga private schools naman ay dapat na may mga ipinatutupad na anti-bullying policies.

Sinabi ng PNP at DepEd, kailangan na ang bawat alituntunin ng mga eskwelahan ay alinsunod sa Child Protection Act of 2013 para maprotektahan ang mga biktima ng bullying at maging ang pagkakilanlan ng nang-bully lalo na kung ito ay minor.

Nagbabala naman ang Kagawaran ng Edukasyon na tatanggalan nila ng permit to operate ang sinumang paaralan na walang anti-bullying policy lalo na’t ang mga ganitong uri ng kaso ay nakakaapekto sa isipan at pag-aaral ng isang bata.

Kaugnay nito, mamamahagi naman ang PNP ng mga pamphlets sa mga school ground bilang parte ng kanilang pinaigting na anti-bullying campaign kasabay ng paghimok sa mga biktima at mga nakasaksi ng pambubully na agad na dumulog sa mga otoridad.