Pinas pinag-iingat sa pagpasok sa isang kasunduan sa China

0
56

Pinag-iingat ni Professor Clarita Carlos ng University of the Philippines ang pamahalaan sa pagpasok sa isang kasunduan sa China para sa joint exploration sa West Philippine Sea.

Ayon kay Carlos, hindi ito dapat madaliin at dapat pag-aralang mabuti ang magiging pakinabang dito ng ating bansa.

Bukod dito, dapat anyang tiyakin ng pamahalaan na magkakaroon papel ang ating mga kinatawan sa joint exploration at hindi magiging taga-masid lamang.

“Ang hinihingi lang natin kalinawan ng ibig sabihin ng jointness diba? Last time sabi nila joint maritime research eh ininterview ko ‘yung isang marine scientist dito eh binitbit lang sila dun sa barkong papunta dun, hindi joint ang tawag dun parang ‘saling pusa’ ka lang, maging matalino tayo tungkol diyan, kasi kapag sinabi mong joint magmula pa lang sa pagpaplano ay magkasama na kayo, magkasama kayo sa lahat hanggang sa makuha niyo ang produkto, etc.” Ani Carlos

Agreements with China

Dapat gamiting mabuti ng Pilipinas ang alas nito sa anumang negosasyong papasukin sa China.

Tinukoy ni Professor Clarita Carlos ng University of the Philippines ang dahilan kung bakit interesado ang China sa Pilipinas.

Ayon kay Carlos, nasa pinaka-istratehikong lugar ang Pilipinas sa lokasyon ng China at Amerika, kaya’t parehong nanliligaw sa atin ang dalawang bansa.

“Nakita mo sa silangan natin andiyan ang Amerika, sa kanluran andiyan ang China, nasa gitna tayo eh, so napaka-highly strategic ng lugar natin kundi hindi naman tayo papansinin niyan ni Xi Jinping, pero alam din ni Xi Jinping na meron tayong mutual defense treaty sa Amerika at dahil sa EDCA nakakalat ang base militar ng mga Pilipino at Amerikano na combined, so sige ang kanyang pagko-court sa atin kasi alam niya ang strategic location natin at ang strategic importance natin, so dapat alam din natin ang importance natin para ‘yun ang gamitin natin sa negotiation.” Dagdag ni Carlos

Kasabay nito ay pinag-iingat din ni Carlos ang pamahalaan sa pangungutang para sa kanilang Build Build Build project.

Sinabi ni Carlos na dapat tiyakin muna ng pamahalaan ang kakayahan ng bansa na mabayaran ang anumang pagkakautang nito sa China man o kahit anong bansa upang hindi matulad sa kapalaran ng Sri Lanka.

Matatandaan na dahil sa kabiguan ng Sri Lanka na bayaran ang kanilang pagkakautang sa China ay napilitan silang ibigay sa isang Chinese company ang kontrol sa isa nilang pantalan.

“We need to be cautious about any other country and not be stupid like ngayon ang laki ata ng ipapa-utang sa atin para sa Build, Build, Build at makikita natin ‘yan kapag nag-default tayo at hindi nakabayad, alam mo na kung saan tayo pupulutin, pag-aralang mabuti, huwag mangutang nang hindi mo mababayaran dahil kapag hindi mo nabayaran ‘yan ay ite-take over ‘yan ng kung sinumang pinagkautangan mo, it does not need to be China.” Pahayag ni Carlos


(Ratsada Balita Interview)