Pasig City patuloy ang mga hakbang para maiwasang kumalat ang COVID-19

0
30

Patuloy na kumikilos ang lokal na pamahalaan ng Pasig upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na kabilang sa kanilang mga ipinatutupad na hakbang ay ang pag-convert sa Dahlia Hotel, na pagmamay-ari ng pamilya Cabangon, bilang isang quarantine facility.

Sinabi ni Sotto, batay kasi sa kanilang pag-aaral, mas mataas kasi ang tsansa na dumami ang kaso ng COVID-19 kung walang istriktong pagpapatupad ng 14-day quarantine.

Meron tayo nabanggit ko kanina, pinahiram yung facilities nila for quarantine, siguro pwede kong sabihin yung pangalan ‘Dahlia’ yun,” ani Sotto.

Aniya, aabot sa 300 pasyente ang maaring ma-quarantine sa Dahlia Hotel na labis na makatutulong sa Pasig City upang ma-contain at mapigilan ang pagkalat ng virus.

Kasabay nito, ipinagmalaki rin ni Sotto ang mobile kitchen ng Pasig City na nakapagbibigay ng mahigit 2,000 food pack o pagkain kada araw para sa mga doktor at nurse na sinasabing front liners sa paglaban sa sakit.

Yung mobile kitchen natin nakapag-generate tayo, nakapag-prepare tayo ng mahigit 2,000 hot meals kada araw, lunch and dinner, sagot ng lokal na pamahalaan, para yung mga nurse natin sa hospital hindi na lalabas para maghanap ng pagkain, yung mga nasa health centers doon na lang sila, hindi na sila ma-expose sa mas marami pang tao, dadalhin na lang sa kanila yung pagkain,” ani Sotto.