PAO Chief Persida Acosta itinanggi ang isyu ng korapsyon

0
45

Mariing itinanggi ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta ang pagkakasangkot niya sa isyu ng korapsyon.

Ito ay matapos isangkot ni Atty. Wilfredo Garrido si Acosta at PAO forensic Dr. Erwin Erfe sa isyu ng katiwalian, kung saan ibinulsa umano ni Acosta at Erfe ang 13 milyong pisong pondo ng PAO.

Ayon kay Acosta, walang katotohanan at pawang gawa-gawa lamang ang mga naturang paratang.

Aniya, tiwala siya na ang mga alegasyong ipinupukol sa kaniya ay upang ilihis ang atensiyon ng publiko sa kontrobersiyal na dengue vaccine na umano’y dahilan ng pagkamatay ng ilang mga kabataan.

Dagdag pa ni Acosta, matibay at umuusad ang kanilang imbestigasyon sa kaso ng dengvaxia kaya’t kumpiyansa siya na ang hakbang ni Garrido ay upang sirain ang kanilang imbestigasyon, at upang mahati rin ang kanilang atensiyon.

Kaugnay nito, sinabi rin ng PAO chief na dalawang dekada na siyang naninilbihan sa PAO, at napupunta lamang sa sweldo ng mga empleyado ang kanilang pondo.

Matatandaang, mahigit 100 bata ang isinailalim ng PAO sa autopsy matapos masawi ang mga ito dahil sa kontrobesiyal na dengvaxia vaccine.