Panukalang ipagbawal ang private vehicles sa EDSA tuwing rush hour ‘di uubra — MMDA

0
20

Hindi uubra ang panukalang ipagbawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush hour.

Ito ang binigyang diin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, kung saan sinabi rin nito na hindi sapat ang dami ng mga city bus na bumibiyahe sa EDSA para maisakay ang mga pasahero ng private vehicles.

Aniya, aabot lamang sa 4,000 ang city buses habang nasa 70% naman ang mga pribadong sasakyan o katumbas ng 280,000 sasakyan.

Ibig sabihin nito, ani Garcia kailangan ng karagdagang 4,000 bus units para maisakay ang mga gumagamit ng pribadong sasakyan.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na siyang nagtutulak ng naturang panukala, mas mabilis namang makaka-ikot ang mga bus para mahakot ang mga pasahero kung maluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA.

Matatandaang ipinapanukala ni Erice na pagbawalan ang mga private vehicles na dumaan sa EDSA tuwing 6 a.m. hanggang 9 a.m., at 6 p.m. hanggang 9 p.m., upang matuldukan na ang problema sa trapiko sa EDSA.