Panelo itinanggi ang ulat na ginigipit ni Duterte ang Kongreso ukol sa franchise renewal ng ABS-CBN

0
15

Pinabulaanan ng Malacañang ang ulat na ginigipit ni Pang. Rodrigo Duterte ang kongreso hinggil sa mga nakabinbing panukala para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.

Ito ang naging reaksyon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kaugnay ng naging pahayag ni Cong. Antonio Albano na ‘tila na pe-pressure ang ilang mambabatas dahil sa tensiyon sa pagitan ng Pangulo at ng naturang network.

Ayon kay Panelo, hindi mamamagitan si Pang. Duterte sa anumang mga nakabinbing franchise renewal bill para sa ABS-CBN, dahil batid ng Pangulo ang pagkakahati-hati ng kapangyarihan ng gobyerno.

Dagdag pa ni Panelo, hindi dapat ma-apektuhan ang mga mambabatas sa anumang bibitiwang pahayag ng Pangulo laban sa ABS-CBN bagkus ay dapat lamang gawin ng mga ito ang kanilang mandato.

Matatandaang, ilang beses nang ibinabala ni Pang. Duterte na kaniyang haharangin ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN matapos umano nitong hindi i-ere ang kaniyang political ads noong 2016 presidential elections.