Baguio City – Isang beauty and wellness clinic sa kahabaan ng Marcos Highway ang binalaan ng pamahalaang lokal dahil sa hindi tamang pagtatapon ng basurang medikal.
Isang concerned citizen ang nag ulat ng sako-sakong basurang medical na may kasamang gamit na hiringilya nakatabi sa gilid ng kalsada.
Napag-alaman na ito pala ay galing sa isang klinika sa Barangay Burnham-Legarda ayon sa resibo at etiketa. Mabilis na tumugon ang mga tauhan ng Public Order and Safety Division sa ilalim ng City Mayor’s Office at kinuha ang basurang medikal at dinala ito sa City Solid Waste Transfer Station sa Dontogan.
Gayon pa man, hindi tinanggap ni City General Services Officer Eugene Buyucan ang mga mapanganib na basura simula noong hindi tinanggap ito sa sanitary landfill in Capas, Tarlac na kung saan ang mga natitirang basura ay itinatapon.
Ibinalik ng mga tauhan ng GSO at POSD ang mga dinalang basurang medikal sa beauty clinic para sa tamang tapunan kasama dito ang pagpapalabas ng abiso sa paglabag ng Permits and Licensing Division (PLD). (Joel Cervantes & Jimmy Bernabe)
(Source: PIO Baguio)
