Palasyo sinopla si dating DILG Sec. Roxas kaugnay sa kanyang FB post

0
57

Sinopla ngayon ng Malakanyang si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Manuel “Mar” Roxas II kaugnay ng naging suhestiyon nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaruon muna ng political ceasefire na pinadaan nito sa kanyang Facebook post.

Hirit ni Roxas para kay Pangulong Duterte, time out muna sa pulitika at ang dapat aniyang gawin ay pagtuunan muna ng pansin ang mas mabigat na isyu gaya ng usapin sa bigas.

Pero buwelta ng Malanyang sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, mas maiging manahimik na lang si Roxas.

Punto ni Roque, kung susukatin aniya kasi ang naging karanasan ng dating kalihim nuon sa Leyte partikular nuong matapos na ang pananalasa ng Bagyong Yolanda nuong 2013, makabubuting muli na lang aniyang manahimik ang dating DILG chief kaysa magbigay ng suhestiyon sa administrasyon.

Matapos ang matagal na pananahimik kasunod ng pagkatalo sa 2016 presidential election, muling nagparamdam si Roxas kahapon sa pamamagitan ng FB post na nagbibigay ng suhestiyon na dapat gawin ng pamahalaan tungkol sa isyu ng bigas, TRAIN law at conditional cash transfer.


Iginagalang ng pamahalaan ang unsolicited advice ni dating DILG Secretary Manuel “Mar” Roxas II kaugnay sa pagtugon ng pamahalaang Duterte sa inflation at kakulangan sa suplay ng bigas.

Sinabi ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, karapatan ni Roxas ang maghayag ng kanyang saloobin dahil sa umiiral na demokrasya sa bansa pero batid naman aniya ng pamahalaan ang sitwasyon.

Pinagtutuunan na aniya ng mga economic manager ng pamahalaan ang inflation at ginagawan na ito ng paraan.

Binigyang diin ni Go, na maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay batid ang sitwasyon kaya nakapagpalabas na ito ng kautusan  sa kanyang economic team at mga kinauukulang ahensya.

Matatandaan na isa sa mga ibinabatong isyu sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang inflation at ang suplay ng bigas na siniguro naman ng pangulo na kumikilos ang gobyerno at hindi naman talaga nagpapabaya.